Teachers are considered to be one of the most overworked professionals in the country and yet our government is finding it hard to properly align the weight of their work to the salary they should be receiving. Undeniably, teachers deserve to have the salary increase they have been longing for and have repeatedly promised by the government.
The Alliance of Concerned Teachers has stated on their facebook page the following as their petition to junk RPMS.
"URGENT: Petisyon para Ibasura ang RPMS-PPST
Kami, mga guro sa pampublikong paaralan ay nananawagan na agarang ibasura ang pabigat, walang saysay at hindi makatarungang performance evaluation system na ipinapatupad ng Department Education sa hanay ng kaguruan, ang Results-based Performance Management System at Philippine Professional Standards for Teachers (RPMS-PPST).
Pabigat
Mabigat na pasanin sa kaguruan na tugunan ang mga kahingian ng RPMS-PPST. Itinakda ng patakaran ang pagsalang ng bawat guro sa apat na beses na obserbasyon sa buong taon. Hinihiling din nitong isa-dokumento, tipunin sa isang portfolio at isumite ng kaguruan ang daan-daang pahina ng patunay na nagampanan ng guro ang itinakdang 5 Key Result Areas at 13 layunin ng RPMS-PPST. Inaagaw nito ang mahalagang oras na sana’y inilalaan sa paghahanda ng leksyon, pagpapahusay ng pedagohiya at aktwal na pagtuturo, maging ang summer vacation na tanging pahinga ng kaguruan mula sa 10 buwan na paggampan ng gawain. Nakikihati pa sa karampot na sweldo ng kaguruan ang gastos sa mga materyales at photocopying para sa portfolio.
Lubhang mabigat din para sa mga master teacher at principal ang tungkuling upuan ang lahat ng obserbasyon at i-evaluate ang mga isinumiteng portfolio na dagdag pa sa mga orihinal nilang tungkulin at sariling teaching load.
Walang-saysay
Wala saysay ang RPMS-PPST sa pagsukat sa paggampan ng guro sa kanyang mga tungkulin. Ang mga hinihiling na ebidensya ng RPMS-PPST ay mga rekord, ulat at dokumentong naipakita o naisumite na ng guro sa bawat markahan. Sapat nang patunay ang mga ito sa buong taong pagtatrabaho ng guro at walang katuturuan na muling ipatipon at ipasumite ang mga ito sa pagtatapos ng taon.
Hindi kayang salaminin at sukatin sa isang bungkos ng dokumento ang mga hirap at sakripisyong ipinuhunan ng guro upang gampanan ang kanilang mga tungkulin. Hinihiling ng RPMS-PPST na isadokumento ang bawat gawain na saklaw ng 13 layunin nito ngunit bulag ito sa napakarami pang gawaing pinapasan ng kaguruan dahil sa kawalan ng kailangang kawani sa paaralan tulad ng clerk, librarian, custodian, guidance counselor, nars, janitor at iba pa. Hindi rin nito isinasaalang-alang ang dagdag na gawain at mga kalakip na ulat para sa deworming, feeding program, 4Ps at iba pa na gawain na ng ibang ahensya.
Lalong walang saysay ang RPMS-PPST sa aspeto ng pagpapahusay ng kalidad ng pagtuturo at ng edukasyon. Ang mga isinumiteng portfolio ay tumatambak lamang sa mga opisina. Sa halip, sagabal ang dagdag-trabahong hatid ng RPMS-PPST sa pagpokus ng guro sa kanyang pagtuturo.
Hindi makatarungan
Nagtatakda ang RPMS-PPST ng napakataas na istandard sa kaguruan na hindi nakalapat sa realidad ng sistema ng edukasyon sa bansa. Hinihiling nito sa guro na ibigay ang de-kalidad na edukasyon at matugunan ang iba’t ibang pangangailangan ng mag-aaral nang walang pagsasaalang-alang na bumibilang ng 50 hanggang 60 ang laki ng mga klase. Hinihiling na gumamit ang guro ng information-communication technology sa pagtuturo samantalang walang sapat na kagamitan sa mga klasrum. Ipinapapasan nito sa guro ang mga problema at kakulangan ng sistema ng edukasyon at nilalapatan sila ng istriktong panukat upang pigain ang guro ng kanilang talino at lakas. Sa gayon, guro din ang sinisisi kung manatiling mababa ang kalidad ng edukasyon sa bansa.
Sapilitang naipapatupad ang RPMS-PPST sa kaguruan dahil nakatali dito ang mga benepisyong inaasahan na pangdagdag sa kulang na sweldo. Panakot din ang mga kaso at parusang maaaring harapin ng sinumang sumuway sa patakaran.
Hindi akma ang RPMS-PPST sa pampublikong guro sa bansa. Nakasunod ito sa balangkas ng Results-based Management Framework Business Model na ipinanukala ng Asian Development Bank sa gobyerno ng Pilipinas. Ang RPMS naman ay aktwal na dinebelop at pinondohan sa pamamagitan Australian Aid. Hinuhulma ng mga dayuhang panukalang ito ang pampublikong serbisyo sa balangkas ng pribadong negosyo-- pigain sa maksimum ang lakas ng manggagawa sa minimum na gastos. Kung kaya, gayun na lamang ang walang pakundangang pagkakarga ng trabaho sa kaguruan nang walang pagsasaalang-alang sa kanilang karapatan at kagalingan.
Ang saysay ng performance evaluation system ay tulungan ang mga guro na mapahusay ang pagbibigay ng de-kalidad na edukasyon. Malinaw na hindi ito ang nararanasan ng kaguruan sa ilalim ng RPMS-PPST. Marapat na agaran itong ibasura. Sa halip, dapat buuin ng DepEd ang isang evaluation system na kasama ang kaguruan upang matiyak na magiging epektibo ito sa layuning pataasin ang kalidad ng pagtuturo at magiging katanggap-tanggap ito sa kaguruan. Pansamantala, dapat na gamitin na muna ang dati at mas simpleng sistema ng ebalwasyon na Performance Appraisal System for Teachers.
Higit dito, dapat pangunahing akuin ng pamahalaan ang responsibilidad sa paghahatid ng de-kalidad na edukasyon sa pamamagitan ng pagpuno sa mga kakulangan sa bilang ng guro at kawani, pasilidad at kagamitan, aklat at iba pang materyales. Dapat na palayain ang kaguruan sa hikahos na kalagayan at kalingain sila sa pamamagitan ng pagbibigay ng makabuluhang dagdag na sweldo at benepisyo upang mapataas ang kanilang produktibidad sa paghahatid ng de-kalidad na edukasyon."
Stop RPMS, Start SALARY INCREASE for TEACHERS
Reviewed by Anonymous
on
April 25, 2019
Rating:
No comments: